Paraang Pinoy
(Ang Pilipino upang makatakas sa kahirapan)
Patuloy ang paglagas ng kalendaryo at kabalikat nito ang pagbabago ngunit patuloy na sirkulasyon ng mundo. Kasabay ng pag-ikot ang pagbabago sa totoong katayuan, hangarin at pangangailangan ng mga tao.
Minsan ba’y sumagi na sa ating mga isipan ang kahalagahan ng lahat ng uri ng trabaho? O sadya lamang na talagang ibang-iba na ang daigdig at tanging mga sarili na lamang natin ang ating iniintindi at pinagtutuunan ng pansin.
Ang ating bansa ay humaharap sa matinding krisis. Problema sa kakapusan ng pagkain, tirahan, trabaho at edukasyon. Idagdag pa ang hindi pagkakasundo ng mga partido, mga mamumuno, senado at maging ng simbahan.
Ang solusyon ng mga hirap na mamamayan upang kahit papano’y matakasan ang kahirapan, pangingibang bansa.
Sino ba naman ang ayaw makahawak ng dolyar, pounds, dirham at yen. Ilan lamang sa mga salapi ng mga dayuhan na dumodoble ang halaga kapag ipinalit sa piso.
Sinasabing sa panahon ngayon ay kailangang maging praktikal. Kaya’t ang mga pilipinong may maipagmamalaking kursong natapos ay hindi rin napapakinabangan, napili nilang magtungo sa ibang bansa at magtrabaho ng mga gawaing salungat o lihis naman sa kanilang kakayahan at pinag-aralan. Pagka-inhinyero, arkitekto, tripulante at nars na napunta sa pagiging domestice helper, call center agent at tagapag alaga ng mga dayuhang mahina na o caregiver.
Dumadating din ang mga pagkakataong ang kursong iyong pinagkadalubhasaan ay may alok na trabaho dito at sa labas ng bansa. Hindi na bago sa ating pandinig na mas piliin ng isang Pilipino ang oportunidad niya sa dayuhang lugar kaysa sa kanyang sariling bayan.
Ayon nga sa isang linya ng isang modernong kanta “napakaraming inhinyero dito sa amin ngunit bakit tila walang natira, nagaabroad sila”.
Dahil sa pagtatrabaho sa ibang bansa, nabago na rin ang hangarin at pananaw ng mga tao. Tulad ng mga guro. Alam naman nating walang yumayaman sa pagtuturo, ngunit noon sinasabing ang kayamanan ng mga guro ay ang makitang naging matagumpay ang mga estudyanteng kanilang tinuruan. Ngayon, mas ninais na nilang umalis at magbakasakaling sa bansa ng mga dayuhan sila kumita ng kwarta.
Hindi nagiging madali ang pag-alis ng bansa ng mga Pilipino. Tayo’y likas na matalino at maparaan kaya’t maging ang mga papeles at dokumento ay nadidiskartehan. Nabagong edad, pinanggalingan at maging ang pangalan at pagkakakilanlan. Mga pilipinong tinawag na TNT.
Hindi lahat ay nagiging mapalad sa pangingibang bansa. Sa katunayan, karamihan sa ating mga kababayan ang walang awang munumolestya, pinagsasamantalahan, pinahihirapan at pinapatay. Mga OFW na nagpapakasakit, na sa bawat pang-aabuso, bugbog, marka ng pasa at bakas ng sugat kapalit ang salaping makapagtutustos sa lahat ng pangangailangan ng pamilya sa Pinas.
Dumating na rin tayo sa puntong tayo’y napagod na sa pagbabanat ng buto. Sa halip, mas pinili at naging solusyon natin ang paghahanap ng mga dayuhang may kaya sa buhay. Ano pa nga ba? Kundi upang maging asawa.
Hangggang kailan kaya tayo haharap sa mga ganitong sitwasyon? Ang pagbabakasakali sa mga bansang wala naman tayong kasiguruhan kung ano ang ating mga magiging kapalaran.Unti–unti ng nauubos ang mga propesyonal ng Pilipinas. Sino nga ba ang dapat sisihin sa lahat ng mga nangyayaring ito?
Ang laging sigaw ng mga mamamayan, gobyerno. Nakasanayan na nating sisihin ang pamahalaan sa lahat ng paghihirap na ating dinadanas ngayon. At iyan ang dapat pabulaanan. Hindi lamang pamahalaan ang dapat sisihin at idiin sa sitwasyong ito. Kung ating iisiping mabuti at kung bubuksan lamang natin ng maigi ang ating mga matang bulag na sa katotohanan, ating mababanaagan na tayo din ang may kasalanan ng lahat.
Nawala na ang ating paniniwala sa bayan, hindi pa naisasagawa ang plano ng mga nakaupo sa pamahalaan ay siya na natin itong tunututulan. Nakapanlulumong isipin na karamihan na sa atin ay nag-aaral na may layuning kapag nakapagtapos ay umalis ng bansa at makapagtrabaho sa ibang bayan. Isyung napapanahon at may kinalaman sa lahat ng estudyante lalo na sa klaseng aking kinabibilangan na syang may kursong may kinalaman sa foreign service o paglilingkod sa mga dayuhan at internasyonal.
Patuloy na iikot ang mundo at mas magbabago pa ang pananaw, hangarin at pamamaraan ng lahat ng tao. Hindi na natin maibabalik ang kahapon upang baguhin ang mga naganap. Sa halip, kinakailangan na lamang nating ipagpatuloy ang daloy ng buhay at isipin na talagang sa buhay ay may dumadating na mga hindi inaasahang pangyayari, minsa’y papalarin at minsa’y mamalasin. Ipagpatuloy ang agos ng alon, ipagpatuloy.